jump to navigation

Ang aking libangan:pagpipinta at potograpiya March 16, 2006

Posted by curioustan in Hobby.
trackback

…sa mga lugar na aking narating!

Kahit noong maliit pa ako, mahilig na akong gumawa ng mga larawan gamit ang ordinaryong lapis at papel. Ang pagguhit ng kahit anong bagay na madalas kong nakikita sa mga aklat at iba pang babasahing materyal tulad ng magasin ay naging libangan ko na at bahagi na rin ng aking pag-aaaral.

Ang pagkawihi sa pagpinta at pagguhit ay naging dahilan ng aking pagkahilig sa paggupit ng mga magagandang larawan sa magasin. At ito rin ang nagtulak sa akin na magkaroon ng sariling ‘photo album’ ng lahat ng mga mahalagang pangyayari sa aking buhay mula sa pagkabata hanggang ngayong nagsisimula nang mamuti ang buhok ko! Masarap pagmasdan ang mga larawan … lalung-lalo na kung ang mga ito ay nagbibigay balik-tanaw ng mga bagay na nagsilbing inspirasyon para makamit ang minimithing panaginip na makarating ang malayo o ibat-ibang sulok/bahagi ng mundo.

Sa kabilang dako, ang potograpiya ay isa lamang sa mga sanga ng pagkahilig ko sa sining! Lahat ng mga larawan sa aking ‘photo album’ ay kuha ng iba o ng letratista, at madalas hindi mo gusto ang pagkakuha nito o gusto mo ring mapuntahan at kunan ng litrato - galing sa sariling kamera! Dahil dito, sinabi ko sa sarili na balang araw, ako na rin ang kukuha at ipamalas sa ibang tao ang aking kakayahan at lalung-lalo na ang mga pook na aking mararating…

Marami na rin akong na-ipinta… at ang lahat nito’y puro lawaran ng ‘punong-kahoy’. Hindi ko alam kung bakit nakahiligan ko na ang magpinta ng mga kahoy… marahil sa aking kinagisnang paligid sa isla ng Sibuyan (Romblon).

Sa kaalaman ng lahat, ang aking bayan ay mayaman sa magagandang tanawin – kagubatan, batis, ilog, bakawan, mga mailap na hayop, at malinis na dagat! At dahil dito, madalas kong ipinagmamalaki sa aking mga kaibigan na minsan madalaw nila ang aking pinagmulang pulo! Madalas rin, ang mga nagagawa ko ay naging ‘birthday gift’ sa mga matalik na mga kaibigan at kamag-anak!

Bilang isang pintor o letratista ay may maraming hadlang o balagid lalung-lalo na kung ikaw ay di galing sa mayaman o maykayang pamilya. Sa simula, hindi ko kayang bumili ng kamera o kasangkapan para mapaganda ang mga gawa ko. Pagtitiyaga ang aking puhunan at dahil sa magandang biyaya sa Maykapal, hindi na rin mabigat o mahirap ang bumili ng mga kagamitan. Tulad ng kamera, hanggang ngayon kahit natapos ko na ang ‘basic photography class’ noong taong 2004, hindi pa rin ako nakakabili ng SLR camera. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ito hadlang para ipagpatuloy ko ang aking libangan. Sa ngayon, may bago akong yunit, IR-500 gawa ng Olympus. Ito ay ‘digital’ at mas marami akong magagawa sa mga larawan – ibahin ang mga kuhay, gawing 3D ang mga larawan, ‘panoramic’, at iba pa… Gamit ko pa rin ang luma kong kamera – ang Olympus ‘fully automatic 35mm’…

Para mapayaman ko rin ang aking kaalaman, hindi lang sa nakuhang ‘certificate of attendance’ sa ‘basic photography’ na nilunsad ng FPPF sa Pilipinas, naging miyembro rin ako sa isa mga bagong samahan ng letratista, ‘Third Eye (3Di) Photo Club bilang kauna-unahang pangulo ng samahan. Ang website ng samahan ay: http://www.photonski.com/3diphoto

At sa ngayon, naging bahagi na rin ako ng ‘OlympusCameraClub’ dito sa Britaniya. Bilang kasapi ng kapisanan, maraming pabuya, hindi lamang ang ‘quarterly’ na kopya ng magasin (OlympusUser), may mga ‘discounted camera accessories’ ang binibigay sa mga miyembro tulad ng mga aklat, baterya, ‘memory cards’, at iba pa. Mapalad ako nuong nakaraang buwan at nabigyan ako ng kopya ng ‘One People, Many Journeys’ na gawa ng Lonely Planet Travel Guides. Hindi lamang yan, sa kasalukuyang isyu ng OlympusUser magasin (Issue 4/Spring 2006) ang aking sulat sa ‘editor’ ay naihathala at dahil dito, binigyan ako ng ‘black and white’ photo collection book bilang pabuya! Maari ninyong tingnan ang kanilang website: http://www.olympus.co.uk/consumer/208_8345.htm.

Sa mga lumipas na mga taon, ang pagpipinta/pagguhit, ang pagkuha ng mga larawan, at lalung-lalo ang mag-ipon (maglikom) ng mga malalaking larawan (posters) ay bahagi na ng aking buhay. At balang araw, isa sa mga silid ng aking tahanan, mailagay at iladlad (display) ang mga ito!



Comments»

no comments yet - be the first?